Magandang araw. Gusto ko lang po ishare sa inyo yung mga personal na naexperience ko noong Taal El Pasubat Festival noong April 26-28, 2012. Ito po ang kauna-unahan kong blog na nagawa. Hindi ko nga alam kung paano ba bumuo nito o pano mag-umpisa. Pero dahil gusto ko pong ibahagi sa inyo kung ano ang mga bagay/produkto na karapatdapat ipagmalaki ng aming bayan ng Taal, kaya't nagtyaga akong bumuo ng isa. Naglagay rin po ako ng mga pictures na kinunan ko mismo during the festival. Maari nyo rin pong makita ang mga kasamahan ng mga pictures na nasa ibaba sa aking page JmCastilloPhotography
Unang araw ng El Pasubat Festival
Ika-26 ng Abril, 2012. Halos mag-aalaskwatro pa lang ng umaga nasa may plaza na ako sa aming bayan ng Taal. Hindi kasi ito ordinaryong araw para sa amin. Ang araw na ito ay ang ika-440 na taon ng pagkakatatag ng aming bayan. Sa araw na ito rin magsisimula ang El Pasubat Festival kung saan itinatampok ang mga natatanging produktong tatak Taalenyo. Ang El Pasubat ay kumakatawan sa E-mpanada, L-ongganisa, PA-nutsa, SU-man, BA-lisong/BA-rong at T-apa.
Empanada |
Longganisa |
Panutsa |
Suman |
Balisong |
Burdang Taal/Barong |
Tapa JmCastilloPhotography |
Napili rin itong itampok sa programa ng ABS-CBN na Umagang Kay Ganda noong araw na iyon. Kaya nagtyaga talaga akong gumising ng maaga para masaksihan ko iyon. Nadatnan namin doon yung mga batang handang handa ng magperform sa harap ng camera. Makukulay ang kanilang mga kasuotan. Yung tipong nakakawala ng antok. Nabuhay lalo yung dugo ng mga tao nung makita nila si Winnie Cordero. Kanya-kanyang dampot ng camera. Syempre kahit ako nakipicture din.
Ta-almusal
Biggest Catholic Church in Asia |
Sinimulan ang Festival ng isang Banal na misa sa loob ng Basilika ng San Martin de Tours. Pagkatapos mismo nito ay sinimulan na ang Ta-almusal kung saan apatnapung pamilya/grupo ang maghahanda ng kani-kanilang beryson ng almusal ala Taal. Nagluto sila ng ibat-ibang putahe gamit ang longganisa at tapang taal. Nakiluto din si Mother Lily Monteverde na adopted mother ng Taal. Matapos maluto ang mga almusal ay nagsikain ang lahat. Iyon na ata ang pinakamahabang almusal na nasaksihan ko.
Mother Lily Monteverde |
TA-ALMUSAL JmCastilloPhotography |
Matapos makapag-almusal ay inumpisahan na ang pormal na pagbubukas ng Trade Fair sa pamamagitan ng ribbon cutting na pinagunahan ni Cong. Tom Apacible, Mother Lily Monteverde at Mayor Michael Montenegro.
Search For Reyna Burdadera
Noong hapon naman naganap ang Search for Reyna Burdadera na naglalayon na maitaas ang antas ng pagtingin at kalidad sa tunay na Burdang Taal. Nilahukan ito ng ilan sa mga kababaihan ng bayan. Ansarap pagmasdan nina ate habang manual nilang ginagawa ang pagbuburda.
Court Dancing
Noong hapon ding iyon naganap ang presentation ng Court Dancing ng mga piling bata ng bawat paaralan sa Taal. Kamangha-mangha ang ipinakita ng bawat isa sa nasabing pagtatanghal. Kahit ang bise gobernador ng lalawigan ng Batangas na si Marc Leviste na dumating sa kalagitnaan ng presentasyon ay ganoon na lang din ang paghanga. Bakas ang kasiyahan sa mga batang sumasayaw lalo na sa mga manonood nang hapon na iyon.
Ikalawang araw ng El Pasubat Festival
Street Painting Contest
Sympre maaga uli ako nagising. Alas-syete kasi ang simula ng Street Painting na gaganapin sa Calle M. Agoncillo. Nilakad ko na simula amin. Nang makarating na ako dun sa may tapat ng bahay ni Marcella Agoncillo nagtataka ako, kasi wala namang masyadong tao. Sabi ko baka maaga lang ako. Todo picture muna ako ng mga ancestral houses don. Maya-maya nakahalata na din ako na wala namang dumarating na kalahok ng street painting contest. Ang ginawa ko, nagpunta ako sa plaza para magtanong. Nagulat na lang ako kasi andaming tao doon at ang masaklap pa nito andon yung contest. Nalaman ko na lang Calle M. Agoncillo din pala yun. Natawa na lang ako sa sarili ko. Buti na lang di pa nag-sstart yung contest. Nakapaglibot-libot pa ako. Di katagalan ay nagsimula na rin ang patimpalak. Ibinagay ang theme sa bawat grupo.
"Pagbabalik tanaw sa Kasaysayan na Pamana ng Bayan
Dangal at kasaganaan ng ating mga Yaman,
Mithiin para sa kinabukasan, Pangalagaan"
Bawat kalahok at trainors ay binigyan ng pagkakataong mapagdikusyunan ang nasabing tema. At nagsimula na nga ang patimpalak. Makikita mo sa mukha ng mga kalahok na punong -puno sila ng ideya. Nag-eenjoy lang sila sa ginagawa nila. That's the spirit!
Maya-maya pa ay bumungad na lang sa amin ang mascot ni Jollibee na nagbigay ng mga free burgers sa mga kalahok. Lalong di magkamayaw ang mga tao. Yung iba sa pagpapapicture, yung iba naman sa pag-iyak lalo na yung mga bata kasi natatakot kay Jollibee. Sumama din si Mayor Montenegro sa pag-iikot ni Jollibee.
Di ko lam kung natutuwa ba ang bata o naiiyak :) |
Palaro ng Lahi
Sa kalagitnaan ng kasiyahan, nagsimula na rin ang palaro ng lahi na linahukan ng mga Sangguniang Kabataan ng bawat barangay. Magtatagisan sila ng lakas sa mga palarong minana pa sa ating mga ninuno. Kanya-kanyang pakitang gilas ang mga kabataan. Punong-puno sila ng enerhiya kahit kainitan ng araw nang mga oras na yon. Nagtagisan sila ng galing sa palosebo, basagan ng palayok, sack race, sepak takraw, tug of war at marami pang iba.
JmCastilloPhotography
Suman Eating Contest
Sino ang tatanghaling Suman-tak-team sa taong ito? Bawat barangay ay bumuo ng limang myembro na mkikipagtagisan ng galing at bilis sa pagkain ng ipinagmamalaki nating sumanng Taal. Hindi lamang mga kalalakihan ang lumahok pati mga kababaihan ay nakipagunahan rin at nagpakitang gilas. Talaga nga namang basta Taalenyo, Talentado!
Nung kinahapunan ay nagkaroon ng Bingo Social kung saan mga naglalakihang papremyo ang naghihintay. Gabi ng musika naman ang bumida ng dumilim na ang kapaligiran. Sabi nga sa tarpaulin "A night for our youth to enjoy where music is at its best."
Nung kinahapunan ay nagkaroon ng Bingo Social kung saan mga naglalakihang papremyo ang naghihintay. Gabi ng musika naman ang bumida ng dumilim na ang kapaligiran. Sabi nga sa tarpaulin "A night for our youth to enjoy where music is at its best."
Ikatlong araw ng El Pasubat Festival
Parade of Floats
Excited ako para sa araw na ito. Ngayon kasi ang Parada ng mga Karosa. Espesyal daw ngayon ang mga karosa kasi isa-isang ipapakita ang kagandahan at yaman ng bayang makasaysayan. Sabi ng nakausap ko na isa rin sa punong abala dito sa festival, mga taga-Paete pa daw ang gumawa ng mga floats na ito. Sadya namang nakakamangha ang kulay at ang mga ipinakikitang mga produkto at yaman ng Taal.
Nagbigay buhay din sa parada ang mga batang streetdancers ng bawat paaralan. Kahit pagod na pagod na sige pa rin ang hataw sa kalye. Ako naman ay nakiramay din sa kanila. Halos sa buong ruta ng parada ay naroon ako. Syempre todo picture. Halos bawat mamamayan ng Taal ay lumabas ng kani-kanilang tahanan upang masaksihan ang napakaengrandeng paradang ito.
Kusinero Taalenyo
Nagtapos ang parada sa may plaza ng Taal sa harap ng simbahan. Dumeretso na ako sa loob ng plaza para naman sa Kusinero Taalenyo. Nagpaligsahan sila sa paggawa ng Adobo sa dilaw. Ang mga taga De La Salle Lipa Institute of Culinary Arts School naman ang huhusga kung alin ang tatanghaling Best Adobo in Town (BAT).
Nagmamadali na akong umalis sa plaza baka kasi maiwan ako sa Visita De Las Casas. Gustong-gusto ko kasing makasama dito. Kahit kasi Taalenyo ako at tagadito lang sa Taal, ay hindi ko pa lahat napupuntahan/nabibisita ang mga ancestral houses namin dito. Ang maganda sa tour na ito, may libre kameng sakay papunta at paalis ng bawat istayon. Sa wakas, nakaabot ako sa tour. Kahit mag-isa lang ako deretso lang. Una kaming nagpunta sa Casa Villavicencio. Isang bagay yung nakakuha nung atensyon ko doon, iyon ay yung sikretong hagdanan pababa sa ikalawang palapag ng bahay,. Tunnel pala yun papunta ng simbahan ng Taal. Noon daw kasi hindi pwedeng saktan/galawin ang mga pilipino kapag nasa loob sila ng simbahan. Pero sabi ni Ateng tour guide hindi na daw visible yung tunnel. Sayang naman.
Tunnel papuntang simbahan ng Taal |
Sunod naman naming pinuntahan ay ang Leon Apacible Historical Landmark. Ayon sa nabasa ko, naging bahay tagpuan ito nina Dr. Jose Rizal, Mariano Ponce at marami pang mga bayani. Kakaiba sa pakiramdam ang pagtotour sa ganitong mga bahay. Yung tipong parang bumalik ka sa nakaraan? Nabubuhay yung pagiging makabayan natin. Nakakatuwang pagmasdan ang mga kagamitan dito kasi makikita mong inaalagaan at iniingatan talaga ang mga ito.
Nagpunta na kami sa Ilagan-Barrion House (Galleria Taal) na malapit lang din naman sa bahay ni Apacible. Merong exhibit doon na nagngangalang "Philippine Photography in Changing Times". A photo exhibition of rare Philippine photographs and events from 1870s-1980s and a collection of rare vintage cameras. Nakilala namin don si Sir Manny, sya yung nagsasalaysay ng mga kwento sa likod ng bawat litrato.
Sa Casa Gahol (Galleria Orlina) kami sunod na pumunta. Doon naman ineexhibit ang mga paintings ni Sir Lino Acasio.
\
\
Macella Agoncillo Historical Landmark ang sunod naming pinuntahan. Lingid naman sa ating kaalaman na si Marcella Agoncillo ang tumahi ng ating watawat. Nakakaproud isipin na ang tumahi ng watawat na ating tinitingala ay isang Taalenya.
Kakaiba naman ang nakita namin sa Villa Severina. Kasi ganito pala ang resulta kapag pinagsama mo ang luma at modernong konsepto ng bahay.
Dumaan rin kami sa Don Ramon and Jovita Estacio Ancestral House. Kapansin pansin yung bahay kasi kulay pink ang pintura nito. Colonial American Type yung bahay with Spanish and Filipino features.
Ang Don Gregorio Agoncillo Mansion ay tintatawag ding white house dito. Dati ko pang gustong-gustong makapasok. Halos araw-araw ko kasi yun nakikita pagkakagaling ko sa school. Ansaya, kasi ngayon nakapasok na ako. Kayganda ng mga rebulto sa bawat sulok ng bahay. Napakaganda rin ng kanilang mga kagamitan roon.
JmCastilloPhotography
Pagkatapos nang tatlong na iyon, narealize ko na andami-dami palang mga bagay sa paligid ko na dapat ipagmalaki, hindi lang bilang isang Taalenyo kundi bilang isang Pilipino!
Photo Credit: https://www.facebook.com/pages/Taal-El-Pasubat-Festival/102883959793081 |
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento